Ipinagdiriwang natin ngayong taon ang ika-113 anibersaryo ng ating araw ng kalayaan. Ito ang dakilang araw upang gunitain ang kabayanihan ng mga Pilipino na nakibaka at nagbuwis ng buhay upang makamit natin ang tinatamasang kalayaan. Ang kagitingan at mga pasakit na ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay isang bansang malaya.
Ang Pamamahayag ng Kalayaan ng Pilipinas ay ginanap noong Hunyo 12, 1898, kung saan idineklara ng mga Pilipinong rebolusyonaryo sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo ang soberanya at kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya matapos matalo ang mga ito sa labanan sa Look ng Maynila sa Digmaang Espanyol-Amerikano.
Kung ating susuriin sa ating kapanahunan, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kalayaan? Oo, totoong malaya na tayo sa maraming aspeto ng pamumuhay at lipunan. Malaya din tayo laban sa mananakop o anumang impluwensyang banyaga. Malaya nating naipapahayag ang anumang saloobin na walang bahid ng pag-aalinlangan, freedom of expression ika nga. Pero kung kalayaan sa katiwalian, kahirapan, pang-aabuso at pananamantala ng mga namumuno at kapwa Pilipino ang pag-uusapan, isang malaking katanungan ang nakahuma sa ating harapan.
Sa aking pananaw, wari’y nawawalan ng saysay ang mga ganitong okasyon sa iba nating kababayan dahil sa mga katiwalian at kahirapan sa ating bansa. Maraming Pilipino ang hindi man lamang naramdaman ang diwa ng pagdiriwang na ito dahil sa mga balakid na kanilang hinaharap sa pang-araw araw na buhay. Nakakalungkot ang ganong tanawin. Ano kaya ang masasabi ng ating mga bayani kung mabubuhay pa sila sa ating panahon? Nawa’y magsilbi itong hamon sa kinauukulan. Hamon din ito pra sa bawat Pilipino na patuloy na magsikap upang makamit ang sariling kalayan sa pansariling kapamaraanan.
Gayunpaman, dapat pa din tayong magpasalamat sa anumang kalayaang tinatamasa natin ngayon, maging positibo sa lahat ng bagay. Pangalagaan natin ito at huwag hayaang maagaw pa ng sinuman. Ipaglaban natin ito laban sa mananamantala sa anumang kaparaanan. Higit sa lahat huwag tayong magmalabis upang hindi tayo masadlak sa anumang uri ng kasakiman na siyang humahadlang upang makamit ntin ang tunay na kalayaan.
Maligayang Araw ng Kalayaan, Pilipinas. -shernan
No comments:
Post a Comment