BAGONG TAONG 2014
Tulad ng dati, tuwing darating ang Bagong Taon, pag-asa at tuwa ang inaasam ng mga kababayan natin. Una sa lahat, ang hiling ay
pagbabago sa pananaw, sa sarili, sa mamamayan at bayan . Bawat isa sa atin ay
naghahangad ng progresibo at maayos na pamumuhay .
Tuwing Bagong Taon, halos lahat tayo ay gumagawa ng pangako sa sarili sa
pamamagitan ng “New Year’s’ resolution. Ang tanong: May natupad ba tayo sa ating
mga ginawang pansariling resolusyong? At sa loob ng mahabang taon ng iyong
ginagawa ang New Year’s resolution, ilan ang natupad?
Samakatuwid, tayo mismo ang simula. Nasa ating mga kamay ang
tunay na pagbabago na hinahangad natin para sa ating bayan. Ito ay panahon ng pagkakataon para sa ating lahat upang ilagay sa tamang landas ang sarili at bayan. Napakahalaga ng papel natin sa ating bayan
dahil sa pamamagitan ng tamang pamumuno at pagbalangkas ng bago at nararapat na
batas ay kasabay din ang tunay at epektibong pagbibigay solusyon sa isyu ng
korapsiyon, kahirapan, kaunlaran, kaayusan at kapayapaan.
Kung sa gayon ay kailangan tayong maging aktibo sa
pakikilahok para sa pagkamit ng tunay na pagbabago para sa ating bayan.
Totoo: kapos ang pagsisikap na baguhin ang mga istrukturang
panlipunan kung hindi babaguhin ang indibidwal, kagawian o kultura. Pero kung
hindi hahantong sa nauna, kapos din ang ikalawa – magpapanatili sa
mapagsamantalang kaayusan at magbibigay lang dito ng makataong itsura.
Kung tutuusin, kung palalalimin sa mga istrukturang
pang-ekonomiya’t pampulitika ang mga suliranin ng bayan. Malamlam man sa
pandinig subalit nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang mga serbisyong
tunay na kailangan ng ating mamamayan: Pagkain, malinis na tubig, trabaho,
gamut at serbisyong medical, malinis at tahimik na kapaligiran, karapatang
pantao at kalidad na edukasyon.
Samakatuwid ay malaki ang gagampanan nating papel para sa
pagkamit ng pagbabago sa ating bayan. Kaalinsabay ng mandatong ipinagkaloob sa
atin ay kailangan nating iparating sa mas nakatataas at aksyunan ang tunay ang
hinaing ng maliliit na mamamayan at nilalaman ng ating mga puso at isipan,
hindi puro pangako at salita lamang. Manapa’t kailangan nating makialam upang
siguraduhin na ang interes ng mamamayan ang isusulong ng mga taong nakaupo sa
Barangay, Munisipyo, Kapitolyo, Kongreso at Senado at hindi ang interes ng kung
sino man ang gusto umupo at manungkulan.
Sama-sama nating harapin ang bagong taon taglay ang pusong
hangad ay tunay at makabuluhang pagbabago para sa sarili at para sa bayan.
Maraming Salamat po. Maligayang Bagong Taon
Hon. SHERNAN F. GAMOL, RN
Municipal Councilor
Mansalay, Or. Mindoro
No comments:
Post a Comment